May sarili na akong bahay, ang mga bills sa akin na nakapangalan, ang mga appliances ako ang bumili at malaki ang pagkakaiba sa payak naming bahay sa bukid. Lumaki ako sa bahay na gawa sa kawayan at napapaligiran ng tubuhan at pangarap ng nanay at tatay ko na magkaroon ng mas maayos na matitirhan dahil hindi nga nila kayang magpagawa ng mas malaking tahanan kasi nga salat ang buhay namin noon…
At ngayon nga naitayo na ang isa pang tahanan na ipinagmamalaki ng aking mga magulang na tahanang ipinundar ng kanilang anak. Natutuwa akong nakikitang masaya sila, dahil pinangarap ko noong bata ako na pasayahin sila… Kasi anlaki ng hirap na dinanas nila para mapalaki lang kami ng maayos. Kaya nagpursige ako na mag-aral mabuti para naman hindi masayang ang mga effort nila sa pangungutang ng salapi para lang maipambaon ko sa eskwelahan. Alam siguro nila na may mararating ako, kaya ganun na lamang ang tiwala nila sa akin, kaya sa halip na sa public school nila ako paaralin ng highschool, ipinadala nila ako sa isang private school sa kabilang bayan… Doon siguro ako nagsimula na mas natuto na tumindig sa sarili kong paa… hindi ko sila binigo sa tiwalang ibinigay nila sa akin, sa kabila ng mahal ng matrikula… pinatapos nila ako at sinuklian ko iyon ng ilang medalya na lubos na ikinatuwa nila.
Simula pa lang yun, ang tunay na hamon ay ang kolehiyo… Hindi ako sa mga private at sikat na eskwelahan nagkolehiyo. Sa isang state university ako nagsimulang mangarap at kumuha ng isang kursong sa palagay ko ay magdadala sa akin sa aking mga pangarap… Sa bawat taon ng aking pamamalagi sa aming unibersidad, pilit kong inaabot ang mga pangarap na parang kay hirap abutin. Napakatayog ng mga bituin at kayhirap maabot… Pagsapit ng takdang panahon, at ng apat na taong pagsusumikap. Habang papaakyat sa entablado upang kunin ang isang kapirasong papel, hawak ko ang kamay ng aking nanay, sabay kaming aakyat upang kunin ang diploma at isang gintong medalya na may pangalan ko. Kay sarap pakinggan na May kakabit na kataga ang iyong pangalan habang sinasambit ng EMCEE. Iyun na ang simula ng pagtupad ko sa mga pangarap ng aking nanay, ng aking tatay, ng aking mga kapatid…
At eto na nga nakaupo ako dito, sa upuang malayo sa kanilang inuupuan, umiiyak, habang sinusulat ito, ang bait ng Diyos, Hindi Niya kami pinabayaan. Ang lagi kong hiling sa Kanya ay magkaroon ng malulusog na pangangatawan ang aking pamilya. Minsan hindi ko maipaliwanag kung bakit ako nandito, pero pag naaalala ko ang mga mukha nila na masaya at maligaya sa kanilang pagtanda, hindi ko mapigilang maiyak kasi, yun naman ang kaligayahan ng isang anak, Makita na masaya ang kanilang magulang.
Tatapusin ko na ito, para akong engot eh, tulo ang sipon habang nagtatype. Hanggat ako ay nabubuhay, hindi ko kailanman tatalikuran ang aking pamilya. Mahal na mahal ko sila.
Tuesday, March 11, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment